
Dahil sa ito ang kauna-unahang Filipino na ipi-feature ko dito sa aking blog ay nais ko ring gamitin ang ating sariling wika. Kung kaya nais kong ibahagi sa inyo ang galing ng isa sa mga naging pinakamahusay at pinakakilalang pintor na Filipino noong kanyang kapanahunan, walang iba kundi si, Juan Luna.
Marahil lahat sa atin ay nakabasa na ng kanyang talambuhay kung kaya hayaan n'yo na lang ipaskil ko dito ang sa kanya na hango sa "Tagalog wikipedia."
Si Juan Luna y Novicio ang nagpinta ng pamosong larawan “Spoliarium”. Siya ay nakilala sa buong mundo sa pamamagitan ng kanyang pinsel gaya ng pagkakilala sa kanyang mga kaibigan sa pamamagitan ng pluma at espada.
Siya ay ipinanganak noong Oktubre 23, 1857 sa Badoc, Ilocos Norte kina Joaquin Luna at Laureena Novicio sa Badoc, Ilocos Norte.
Nag-aaral siya sa Ateneo de Manila. Ang pangarap niyang maging isang mandaragat ay natupad matapos siyang mag-aral at magtrabaho sa barko sa murang gulang na 16. Marami siyang napuntahang magandang lugar at iba't ibang tao ang kanyang nakasama. Bagamat napagtala siya bilang mandaragat huminto para lamang maipagpatuloy niya ang pag-aaral sa pagpinta.
Pumasok siya Academio de Dibujo y Pintura sa Maynila noong 1876 sa kurong Bellas Artes. Ipinagpatuloy niya ang kursong ito sa Madrid, Espanya. Personal din siyang nagpaturo sa pagpinta kay Alejo Vera na siyang nagdala sa kanya sa bansang Roma, Italya upang magmasid. Pumunta siya sa Barcelona, Espanya noong 1877, doon siya naging propesyonal na pintor noong 1880 noong ipanalo niya ang ginuhit niyang The Death of Cleopatra. Nagwagi ito ng pangalawang karangalan sa Eksposisyon sa Madrid. Ito ay binili ng Gobyernong Kastila at ginawang permanenteng exhibit sa Museo Nacional de Pinturas, Salon de Pintures Modernas.
Tumanyag ang pangalan ni Luna nang ginawaran ng gintong medalya ang kanyang Spoliarium sa Exposición Nacional de Bellas Artes sa Madrid noong 1884. Ito ay binili rin ng Diputación Provincial de Barcelona sa halagang 20,000 pesetas noong 1886.
Ang iba pa niyang nilikha ay ang Pacto de Sangre, Idilio, España y Filipinas, Lavandera, Escena Mariquina, Batalla de Lepanto, at iba pa.
Noong Oktubre, 1884, lumipat siya sa Paris kung saan niya ipinagpatuloy ang pagpinta.
Si Juan Luna ay nagpakasal kay Paz Pardo de Tavera noong 1886 at noong 1894 pagkalipas ng 17 taong pagkawalay sa Pilipinas siya ay bumalik. Siya ay napagsuspetsahan na isa sa mga kasangkot sa pagpapasimula ng rebolusyon kaya’t siya ay hinuli at ikinulong. Pinatawad siya ng Espanya noong Mayo 27, 1897.
Sa taong 1898, si Luna ay itinalaga ni Heneral Aguinaldo na isang sugo sa Europa para ipresenta ang panig ng mga Pilipino sa usaping pangkapayapaan. Siya ay inatake sa puso at namatay noong Disyembre 7,1899 sa Hong Kong.
Ang ilan sa kanyang mga Obra Maestra...
"Damas Romanas"
"Tampuhan"
"El Pacto de Sangre"
"Spoliarium"
"Morte de Cleopatra"

